ARESTADO ang dalawang South Korean na mga pugante sa magkahiwalay na lugar sa Makati at Pampanga.
Ayon sa Bureau of Immigration (BI), si Kang Mingyu, 56 anyos, ay naaresto ng mga operatiba ng Fugitive Search Unit (FSU) ng BI habang nagtatago sa kanyang condominium unit sa Makati City.
Ayon kay BI Commissioner Jaime Morente, naglabas ng warrant para sa pagkakadakip ng mga Koreano alinsunod sa Summary Deportation Order na inisyu ng BI Board of Commissioners laban kay Kang noong 2020 bilang undesirable alien.
“We will immediately implement the order and send him back to his country. He has also been placed in our blacklist which perpetually bans him from re-entering the Philippines,” ayon sa BI chief.
Ayon sa impormasyon, may rekord na ang isang warrant para sa pag-aresto kay Kang na inisyu noong Hunyo 2020 ng hukuman ng distrito ng Dongbu sa Seoul kung saan kinasuhan ito ng large-scale fraud.
Si Kang ay napapailalim din sa red notice na inisyu ng Interpol noong 2020 matapos malaman na tumakas siya sa Maynila para umiwas sa pag-uusig.
Samantala, naaresto rin si Jung Youngmin, 51 anyos, sa Pampanga nitong Sabado.
Mayroon din itong arrest warrant na inisyu ng Seoul Nambu District Court sa South Korea noong Setyembre dahil sa paglalagay ng illegal gambling na isang paglabag sa Criminal Act of Republic of Korea.
Sinasabing kumita siya ng 28.79 bilyon Korean Won o mahigit sa US$23 million.

