Dalawang drug suspect, timbog sa P.3M halaga ng marijuana

Arestado ang dalawang hinihinalang drug suspects matapos makuhanan ng higit sa P.3 milyon halaga ng pinatuyong dahon ng marijuana sa isinagawang buy-bust operation sa Caloocan City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Jerich Frane Hernadez, 19 anyos, at Lloyd Paloyo, 21 anyos, kapwa ng Brgy. Buting, Pasig City.

Ayon kay PCpl. Elouiza Andrea Dizon, dakong alas 7 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Northern Police District (NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU), sa pangunguna ni PMaj. Jerry Garces sa ilalim ng pangangasiwa ni PLt. Col. Macario Loteyro ng buy-bust operation kontra sa mga suspek sa loob ng Victory Mall parking lot sa Brgy. 72.

Nagawang makapagtransaksyon sa mga suspek ni PCpl. Ferdinand Azis Dansal na nagpanggap na buyer ng P19,500 halaga ng marijuana.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa poseur-buyer kapalit ng droga ay agad silang dinamba ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa tatlong kilo ng hinihinalang pinatuyong dahon ng marijuana with fruiting tops na may standard drug price na P360,000.00, buy-bust money na binubuo ng isang P500 bill at 19 pirasong P1,000 boodle/money, asul na eco bag at cellphone.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.