PHILSYS Registration Center sa Hermosa, Bataan, binuksan

Binuksan kamakailan ang isang pasilidad sa Bataan na gagamitin para makapagpa-rehistro para sa National ID ang mga taga Bataan.

Ang pagbubukas ng Philippine Identification System (PhilSys) Registration Center sa Barangay Palihan, Hermosa, Bataan ay pinangunahan mismo ni Hermosa Mayor Antonio Joseph “Jopet” Inton. 

Ang pre-registration para sa National ID system sa bansa ay nagsimula noon pang Oktubre 2020 sa pakikipagtulungan ng Philippine Statistics Authority (PSA) at mga local government units (LGUs) sa mga 5 milyong kabahayan sa Pilipinas mula sa 32 priority provinces na may mababang kaso ng COVID-19.

Antabayanan po natin ang text mula sa PSA para sa panibagong schedule ng inyong registration. Makibalita sa mga barangay officials kung kayo ang naka-iskedyul,” pahayag ni Mayor Inton. 

Ayon sa mandato sa ilalim ng Republic Act 11055 na isinabatas noong 2018, ang National ID program ay naglalayong mapalitan ang 46 na iba’t-ibang government IDs para na rin sa kaginhawahan ng mga mamamayang nakikipag-ugnayan sa pribado man o pampublikong establisimyento.

Sa hinaharap, inaasahan ng gobyerno na ang National ID ay magagamit para makapag-bukas ng bank account, gayundin sa mga digital transaction o bilang cashless payment system.

Layon ng gobyerno na ang ID at ang impormasyon dito ay maaaring makabawas sa bureaucratic red tape na pwedeng mangyari sa mga programa katulad ng cash transfers kung saan ang pangunahing layunin ay mapabilis ang tracking at distribution ng mga ayuda sa mga benepisyaryo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.