Breaking News

Share this information:

DIRETSO sa kalaboso ang dalawang hinihinalang sangkot sa ilegal na droga matapos makuhanan ng nasa P1.3 milyon halaga ng hinihinalang shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Navotas City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang naarestong mga suspek na sina Armando Magno at John Meneses Jr., alyas Butchok.

Sa report ni Col. Ollaging kay Northern Police District (NPD) Director PBGen. Jose Hidalgo Jr., dakong alas-10:40 ng gabi nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa pangunguna ni PLt. Genere Sanchez, kasama ang Station Intelligence Branch (SIB) sa pangunguna ni PLt. Luis Rufo ng buy-bust operation sa Bagong Silang, Brgy. San Jose.

Isang pulis na nagpanggap na poseur-buyer ang nagawang makipagtransaksyon sa mga suspek ng droga at nang matapos ang transaksyon ay agad sinunggaban ng mga operatiba si Magno at Meneses.

Nakumpiska sa mga suspek ang humigit-kumulang sa 200 gramo ng hinihinalang shabu na may corresponding standard drug price (SDP) na P1,360,000 at buy-bust money.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

%d bloggers like this: