Dalawa, timbog sa shabu sa Caloocan

Swak sa kulungan ang dalawang hinihinalang drug pusher matapos makuhanan ng nasa P81,600 halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation ng pulisya sa Caloocan City kamakalawa ng hapon.

Kinilala ni Northern Police District (NPD) District Drug Enforcement Unit (DDEU) head PLt. Col. Macario Loteyro ang mga naarestong suspek na si Lester Tanaleon, 24 anyos, ng C. Namie St. 2nd Avenue, Brgy. 38, at Michelle Mendoza, 25 anyos, ng Quezon City.

Sa ulat, dakong alas-2:30 ng hapon nang magsagawa ang mga operatiba ng DDEU sa pangunguna ni PLt. Col. Loteyro at PMaj. Jerry Garces ng buy-bust operation sa Beside Shell Gasoline Station sa 10th Avenue, Brgy. 62 kung saan isang undercover police ang nagawang makapagtransaksyon sa mga suspek ng P6,500 halaga ng shabu.

Matapos tanggapin ng mga suspek ang marked money mula sa nagpanggap na poseur-buyer kapalit ng isang medium plastic sachet ng shabu ay agad silang sinunggaban ng mga operatiba.

Nakumpiska sa mga suspek ang nasa 12 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa P81,600 ang halaga, buy bust money na binubuo ng isang tunay na P500 at anim na pirasong P1,000 boodle money at coin purse.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.