Dalawa patay sa sunog sa Valenzuela

NASAWI ang dalawang katao kabilang ang isang siyam-na-taong-gulang na batang lalaki matapos makulong sa nasusunog nilang bahay sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga biktima na sina Addy Marahay, 23 anyos, at pamangkin niyang si Jairus Alvarez, 9 anyos, kapwa ng Little Tagaytay Serano, Barangay Marulas ng nasabing lungsod.

Batay sa nakalap na impormasyon sa Valenzuela City Bureau of Fire Protection (BFP), dakong alas-7 ng gabi nang bigla na lamang sumiklab ang sunog sa loob ng bahay ng mga biktima kung saan hindi na nagawang makalabas ng mga ito.

Umabot sa unang alarma ang sunog na tuluyang naapula ng rumespondeng mga bumbero dakong alas-7:41 ng gabi kung saan dalawang bahay pa ang nadamay sa insidente.

Tinatayang nasa P90,000 na halaga ng ari-arian ang tinupok ng apoy habang inaalam pa ng mga tauhan ng BFP ang pinagmulan ng sunog.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.