Dalawa, laglag sa NBI dahil sa estafa

Share this information:

DALAWANG indibidwal ang inaresto ng mga ahente ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa kasong estafa matapos mag-order ng daang libong halaga ng mga gintong alahas sa isang domestic jewelry corporation.

Ang suspek ay si Jean Suayan y Javier, na gumagamit ng mga alyas na Jean Javier y Mayo, Myrna Javier y Mayo at Jean M. Javier, isang Filipino, at nakatira sa 125 Agatha  St., Villarosa Subdivision, Antipolo Del Norte, Lipa City, Batangas.

Ang suspek ay sinampahan ng kasong Estafa na aabot sa halagang P100,800 sa ilalim ng Section 6 ng R.A 10175 o Cybercrime  Prevention Act  of 2012 at paggamit ng peke at pagtatago ng totoong pangalan sa ilalim ng Article 178  ng Revised Penal Code kung saan ipinakilala ang sarili bilang “Cynthia Sy Uy.”

Kasama ring inaresto ang kasama ng suspek na si May De Torres y Macatangay at sinampahan ng kaparehong kaso.

Ayon sa NBI, nag-ugat ang reklamo laban kay Javier nang mag-order ito ng mga gintong alahas sa Corals Jewellery Inc., na may address sa Sta. Cruz, Maynila na nirerepresenta ni Cyril Logronio Abonda.

Sa ilang mga pagkakataon na may petsang Hulyo 16, 18, at 19 ay magkakasunod na nag-order ang suspek ng alahas gamit ang pangalang “Cynthia” na aabot sa halagang P100,800.

Bilang patunay, nagpapadala umano ito ng screenshot ng proof of payment sa pamamagitan ng Union Bank Instapay na ipinasok naman sa BDO account ng kumpanya o jewelry store.

Gayunman, natuklasan na ang nasabing payment ay hindi pumasok o na-credit sa BDO account ng kumpanya at napagtanto na sila ay naloko.

Dahil dito dumulog na sa NBI ang kumpanya para sa entrapment operation na ikinasa noong Hulyo 27 kung saan isang rider ang magpick-up ng order na alahas ng suspek.

Sa pamamagitan ng delivery rider,  kumilos na rin ang entrapment team ng NBI sa lugar kung saan dadalhin ang mga alahas sa isang bahay sa  Looban 2, Banaba West, Batangas City.

Habang iniaabot ng delivery rider ang mga order na alahas ng suspek ay agad nang kumilos ang grupo ng NBI at inaresto si Javier at kasamahang si Macatangay.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.