Dalawa, kritikal sa pamamaril sa Navotas at Malabon

DALAWANG lalaki ang nasa malubhang kalagayan makaraang mabiktima ng pamamaril noong araw ng Martes sa magkahiwalay na lugar sa mga lungsod ng Malabon at Navotas.

Nasa kritikal pa ring kalagayan sa Tondo Medical Center si Lucino Laguros, 54 anyos, tricycle driver at naninirahan sa Area 3 Labahita St. Brgy. Longos Malabon City sanhi ng tinamong tama ng bala ng hindi pa tukoy na kalibre ng baril sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Sa ulat ng tanggapan ni Navotas Police chief PCol. Dexter Ollaging, gamit ni Laguros ang kanyang mobile phone habang nakahiga sa motorsiklo ng kanyang nakaparada niyang tricycle sa Lapu-Lapu Ave. Brgy. NBBS Kaunlaran dakong alas-8:30 ng gabi nang biglang pagbabarilin ng isa sa dalawang sakay ng motorsiklo na nasaksihan pa mismo ng 46-anyos niyang kinakasama  na si Lerma Astillo.

Ayon kay Ollaging, nagsasagawa pa sila ng follow-up operation upang matukoy ang pagkakakilanlan sa mga salarin para sa agarang pagkakadakip sa mga ito habang inaalam pa ang motibo sa pamamaril.

Una rito, dakong alas-3 ng madaling araw nang barilin sa kanang mata ng isang alyas “Tyrone” ang 18-anyos na si Vincent Revidad ng Block 49, Alupihang Dagat St. Brgy. Longos habang sumasalok ng tubig sa labas ng kanilang tirahan.

Kaagad na isinugod ng kanyang mga kaanak ang biktima sa Ospital ng Malabon subalit inilipat kaagad sa Jose Reyes Memorial Medical Center upang isailalim sa operasyon sa tinamong tama ng bala.

Ayon kay Malabon police chief PCol. Joel Villanueva, bago nangyari ang pamamaril ay nagkaroon muna ng rambulan ang dalawang grupo ng kalalakihan sa lugar at posibleng napagkamalang kaaway ang biktima na tiyempo namang lumabas ng kanilang bahay para sumalok ng tubig.

Tinutugis na ngayon ng pulisya ang suspek upang papanagutin sa naturang krimen.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.