Comelec, naghihintay pa ng abiso ng Kamara tungkol sa “special polls” sa Cavite

HINIHINTAY pa ng Commission on Elections (Comelec) ang opisyal na komunikasyon mula sa House of Representatives bago paghandaan ang special polls sa ikapitong distrito ng Cavite para punan ang nabakanteng puwesto ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla. 

Ipinaliwanag ni Acting Comelec spokesperson Rex Laudiangco na sa ilalim ng Republic Act 6645, ang unang hakbang sa pagsasagawa ng special elections ay ang pagpapadala ng Kongreso ng sertipikasyon ng permanenteng bakante kasama ang resolusyon ng Kamara na nananawagan para sa pagsasagawa ng special polls.

So, sa ngayon po hindi pa po namin ito natatanggap pero inaasahan po namin na darating na po ito sa mga susunod na araw,” sinabi ni Laudiangco sa isang press conference.

Gayunman, hindi pa makapagdesisyon ang Comelec en banc kung magsasagawa ng manual o automated elections kung isasaalang-alang ang gastos nito.

Ayon pa kay Laudiangco, titingnan pa kung viable o feasible ang pagsasagawa ng automated elections dahil isang distrito lamang ito sa Cavite.

Kasi baka naman po masyadong malaki ang ating gagastahin kung mago-automated elections tayo samantalang isang distrito lamang ng Cavite ang ating ika-conduct ng special elections at isang posisyon lamang,” dagdag pa ni Laudiangco.

Noong nakaraang Miyerkules, pinagtibay ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang isang resolusyon na nananawagan sa Comelec na magsagawa ng espesyal na halalan sa ikapitong distrito ng Cavite. 

Nabakante ang puwesto sa Kamara ni Remulla matapos siyang italaga ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. na pamunuan ang Department of Justice. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.