Comelec, ia-apela ang desisyon ng Korte Suprema tungkol sa kaso ng Smartmatic

IAAPELA ng Commission on Elections (Comelec) sa pamamagitan ng paghahain ng “motion for reconsideration” sa Korte Suprema tungkol sa desisyon nito kaugnay ng pagka-disqualify ng elections service provider na Smartmatic.

Ayon kay Comelec Chairman George Erwin Garcia, hihilingin nila sa pinakamataas na hukuman na isaalang-alang ang desisyon nito na ang poll body ay nakagawa ng “grave abuse of discretion” nang i-disqualify nito ang Smartmatic bago pa man ito makapagsumite ng anumang bid para sa 2025 mid-term elections.

Sa kabila ng nasabing hakbang, sinabi ni Garcia na tinatanggap nila ang desisyon dahil nilinaw ng Korte Suprema na hindi nito pinapawalang-bisa ang kontrata ng Comelec para bumili ng mga vote-counting machine na gagamitin sa halalan mula sa South Korean firm na Miru Systems.

Lumalabas kung ano yung nangyari, valid na po lahat yan. Yung award namin wala na pong problema. Wala na pong effect, therefore, sa ating halalaan sa 2025,” saad ng poll body chief.

Ayon pa kay Garcia, ang sinasabi lang ng Korte Suprema na kung sakali sa mga susunod na procurement sa mga darating na panahon ay dapat kasali na sila.

Binigyan-diin din ni Garcia na ang integridad ng poll body ay hindi naapektuhan sa desisyon, at idinagdag na ito ay malugod na tinanggap dahil nilinaw nito ang lawak ng authority ng Comelec.

Ang Smartmatic ay diniskwalipika ng Comelec noong Nobyembre 2023 mula sa lahat ng procurement ng poll body dahil sa alegasyon ng bribery laban kay dating Comelec Chairman Juan Andres “Andy” Bautista kapalit ng awarding ng kontrata para sa election machines sa Smartmatic Corp.

Sinabi naman ng Smartmatic na ang diskwalipikasyon ay unfair dahil ito ay batay sa mga ulat lamang ng balita at hindi opisyal, nag-leak na mga dokuwemnto mula sa ibang bansa na talagang hindi katanggap-tanggap sa anumang hurisdiksyon kabilang ang PIlipinas.

Ang kumpanya ay naghain naman ng petition for certiorari na may aplikasyon para sa pagpapalabas ng temporary restraining order o writ of preliminary injunction (WPI) sa Korte Suprema.

Samantala, sinabi ng kinatawan ng Smartmatic na si Atty. Christian Lim na nauna nang tinanggap ang desisyon at sinabing ibinabalik nito ang hustisya at nagpapakita ng malinaw na mensahe sa mga namumuno sa Comelec.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.