“Clamping” ng mga motorsiklo sa Maynila, ipinatigil ng alkalde

SA pamamagitan ng isang kautusan, ipinatigil muna ni Manila Mayor Honey Lacuna ng lungsod ng Maynila ang “clamping” ng mga motor sa naturang lungsod.

Sa kanyang pahayag, sinabi ni Mayor Lacuna na ang motorcycle clamping ay base sa Manila City Ordinance No. 8998 na alinsunod naman sa napagkasunduan ng mga alkalde ng iba’t-ibang lungsod ng Metro Manila kasama ang Metro Manila Development Authority (MMDA), na siguraduhin muna na maging maayos ang trapiko sa mga national roads at Mabuhay Lane. 

Aking pinatigil ang pagpapatupad ng nasabing ordinansa sa kadahilanan may ilang reklamo tayong natatanggap ukol sa hindi maayos na pagpapatupad nito,” pahayag ni Mayor Lacuna.

Agaran din niyang inatasan si Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) Chief Dennis Viaje upang imbestigahan ang mga nasabing reklamo. 

Pinapaalalahanan din ng alkalde ang lahat na ang mga pormal na anunsyo tungkol sa mga bagong polisiya sa lungsod ay makikita lamang sa Manila Public Information Office Facebook Page o sa kanyang official Facebook page na Dra. Honey Lacuna. 

Ang mga impormasyon na ipinapasa lamang, katulad ng mga screenshots or voice audio, na hindi lumabas sa dalawang Facebook pages na aking nabanggit ay hindi nanggagaling sa aming tanggapan,” saad pa ng alkalde.

Kasabay nito, hinikayat din ng alkalde ang publiko na tulungan ang pamahalaang lungsod sa pagpapaganda at pag-sasaayos ng Maynila.

Samahan ninyo akong siguraduhin na patuloy madama ang Kalinga, Ginhawa, at Saya ng bawat Manilenyo,“ dagdag pa nito. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.