SINABI ng Commission on Elections (Comelec) na handa itong sumunod sa desisyon ng Korte Suprema tungkol sa kasong inihain ng dating service provider na Smartmatic Philippines.
Ayon kay Comelec chairperson George Erwin Garcia, hindi pa nila natatanggap ang order mula sa Mataas na Hukuman na itigil ang anumang paghahanda para sa midterm elections sa susunod na taon.
Noong Disyembre 2023, tinutulan ng Smartmatic sa Korte Suprema ang legalidad ng diskwalipikasyon nito sa proseso ng pagpapa-bid ng poll body para sa 2025 automated election system.
Gayunman, isina-isangtabi ni Garcia ang posibilidad ng pagsasagawa ng manual elections.
Ayon kay Garcia, hindi maaaring gamitin ang manual elections dahil maaaring malabag ng Comelec ang batas.
Giit ni Garcia, dapat gamitin ang automated elections sa 2025 elections dahil ito ang itinatadhana ng batas.
“You have to automate the national and local elections. So kung ano po yung magiging (whatever is the) disposition, iyan naman po ay part ng proseso (that is part of the process) pero in the meantime, the Comelec will have to proceed,” sabi ni Garcia sa press briefing.
Binanggit ni Garcia na ang ginawa ng komisyon ay maayos at naaayon sa batas, partikular sa Government Procurement Reform Act.
Nitong Lunes, ang Comelec, kasama ang joint venture Miru Systems Co. Ltd., Integrated Computer Systems, St. Timothy Construction Corporation, at Centerpoint Solutions Technologies Inc. (MIRU-ICS-STCC-CPSTI), ay lumagda ng P17 bilyong kontrata sa Comelec para sa 2025 elections.
Naghain ng bid ang Miru Systems na P17.98 bilyon para sa proyekto na kinabibilangan ng paggawa ng 110,000 automated counting machine at balota bukod sa iba pa.

