INIHAYAG ng Commission on Elections (Comelec) na bukas sila sa inahaing writ of mandamus ni dating Department of Information and Communications Technology (DICT) OIC Usec. Eliseo Rio hinggil sa naging proseso ng bilangan noong nakaraang 2022 national at local elections.
Sinabi ni Comelec spokesperson Atty. John Rex Laudiangco, wala pa silang natatanggap na kopya ng petisyon ngunit iginiit nito na iisa lamang palagi ang kanilang komento sa mga kumukwestiyon sa kanilang mga proseso.
Sinabi niya na ang Comelec Rules of Procedure, gayundin ang Rules on Civil Procedure o Rules of Court, ay ang siyang tamang lugar kung saan maaari kwestiyonin ang proseso ng sino man sa pamamagitan ng due processes ng batas at ng public order.
Naniniwala din ang Comelec na ang nasabing petisyon ay magbibigay ng tamang lugar sa lahat ng partido na sumagot sa nabanggit na isyu sa ilalim ng judicial processes.
Paliwanag ni Laudiangco na ang kanilang ahensya ay handa at laging tatalima sa ano mang proseso o kautusan ng kataas-taasang hukuman.