Comelec, aprubado na ang honoraria, allowance ng mga guro na magsisilbi sa halalan

INAPRUBAHAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang hiling ng Department of Education (DepEd) na taasan ang “honoraria” at iba pang mga allowance ng mga guro at personnel na magsisilbi sa Eleksyon 2022.

Inilatag naman ni DepEd Director for Procurement Management Service Marcelo Bragado ang “matrix” ng honoraria at allowance request ng DepEd. Ayon ito sa nakasaad sa RA No. 10756 o Election Service Reform Act, at ang mga halaga na inaprubahan ng Comelec.

Inaasahang makikinabang dito ang mga Electoral Board, iba pang mga manggagawa at support staff na magta-trabaho sa May 9, 2022 elections.

Nasa pagitan ng P3,000 hanggang P7,000 ang halagang matatanggap para sa honoraria o allowance depende sa posisyon. Mababa ito ng bahagya sa naunang hiling ng DepEd na P5,000 hanggang P9,000.

Ayon pa kay Bragado, inaprubahan din ng Comelec ang transportation allowance na P2,000 at communication allowance na P1,500.

Kasama na rin dito ang COVID-19 allowance na nagkakahalaga ng hindi bababa sa P500, at iba pang health insurance coverage na para sa mga poll worker na tatamaan ng COVID-19.

Tiniyak naman ni Bragado na naghahanda na ang DepEd para sa pagtulong sa Eleksyon 2022, alinsunod sa itinatakda ng batas at iba pang mga panuntunan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.