Panukalang “Timbangan ng Bayan,” pasado na sa ikatlong pagbasa ng Kamara

APRUBADO na sa ikatlo at huling pagbasa sa Mababang Kapulungan ang panukalang paglalagay ng “Timbangan ng Bayan” sa lahat ng mga pamilihan sa buong bansa.

Sa botong 175-pabor at walang tumutol, pinagtibay ng Kapulungan ang House Bill 3255 o “Timbangan ng Bayan Centers” na naglalayong mabigyan ang publiko ng pamamaraan upang matiyak na tama ang timbang ng mga produkto na kanilang binibili at upang maiwasan din ang anumang uri ng panloloko ng mga tindero at tindera sa palengke.

Sa ilalim ng panukala, binibigyan ang lahat ng local government units (LGUs) na maglagay ng Timbangan ng Bayan sa lahat ng mga uri ng pamilihan sa bansa, pribado man o pampubliko, malaki man o maliit na palengke o kahit yaong mga tiangge.

Ang market supervisor naman ang siyang mamamahala sa maintenance at pag-iingat ng timbangan at siya ring magtatala ng rekord kung mayroon mang mga produktong kinulang sa timbang.

Paparusahan naman ang mga vendor na mapapatunayang nagbenta ng mga produkto na kulang sa timbang gayundin ang sinumang mag-vandalize, mag-tamper o sisira sa timbangan ng bayan.

Itinataas din ang parusa sa ilalim ng Consumer Act laban sa mga lalabag na hindi bababa ng P50,000 at hindi naman tataas ng P300,000 at pagkakabilanggo ng isa hanggang limang taon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.