COA, inirekomenda ang suspensyon ng isang barangay captain sa Taytay

Share this information:

INIREKOMENDA na ng Commission on Audit (COA) ang agarang suspensyon ng isang barangay captain sa bayan ng Taytay dahil umano sa patuloy nitong pagmamatigas na magsumite ng mga dokumento kaugnay ng paglalabas ng salapi ng barangay.

Sa isang pahayag, sinabi ng COA na inirekomenda na nito ang pag-suspinde kay Barangay Captain Allan de Leon ng Barangay Dolores sa bayan ng Taytay. Ito ay dahil ayaw pa umano ni De Leon na maglabas ng mga kaukulang dokumento na magpapatunay na walang anomalyang kalakip ang mga ginawang paglalabas ng salapi ng barangay mula pa noong taong 2014, batay na rin sa tala ng bangko kung saan nakalagak ang pera ng nasabing barangay.

Bukod kay de Leon, pinagpapaliwanag din ng COA ang ingat yaman ng Barangay Dolores na si Olivia Adriatico kaugnay ng kanilang kabiguang ilahad ang mga detalye at dokumento kung paano naubos ang pera ng kanilang barangay nitong nakaraang walong taon.

Inatasan naman ng COA ang officer-in-charge ng Taytay Municipal Accounting Office na si Carina Arabit  na magsumite ng ulat ng paglalahad ng aksyon at rekomendasyon ng lokal na pamahalaan kaugnay ng naturang barangay.

Ayon sa COA, hindi nila magawang mag-audit dahil wala silang io-audit. Kabilang sa kwestiyonableng disbursement ng Barangay at ang Cash Advance at Petty Cash at Reimbursements ng nasabing kapitan.

Sa isang liham na ipinadala at tinanggap ng tanggapan ng Punong Barangay, pinaalalahanan ng COA sina de Leon at Adriatico hinggil sa kanilang mandato at panuntunan sa ilalim ng Civil Service Law, Procurement Act at Local Government Code.

Sa tala ng nasabing ahensya, malaking halaga ang kailangang ipaliwanag ni de Leon at ng ingat yaman ng nasabing barangay, lalo pa’t para sa taong 2019 pa lamang, lumalabas na mahigit P12 milyong halaga ng transaksyon ang pinaniniwalaang may bahid alinlangan, ayon mismo sa COA.

Kabilang dito ang tatlong transaksyong nagkakahalaga ng P6.38 milyon, P5.31 milyon at P1.069 milyon.

Sinabi ng COA na wala na silang makuhang dokumento ng paggamit ng pondo para sa iba pang taon mula 2014 sa kabila ng kanilang paulit-ulit na pagpapadala ng liham na nilagdaan naman ng tanggapan ng barangay, patunay na nakarating sa nasabing kapitan ang kalatas ng COA.

Kaya naman nagpasya ang COA na itigil na lang ang pag-o-audit sapagkat hindi daw nila magawang mag-audit dahil wala naman silang susuriin.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

Likha ng Bataeños Trade Fair, binuksan sa Balanga City

Thu Oct 28 , 2021
PORMAL nang binuksan nitong Miyerkules ang “Likha ng Bataeños Trade Fair” ng Department of Trade and Industry (DTI) Bataan sa Waltermart sa Balanga City, Bataan. Ayon kay DTI Bataan Provincial Director Nelin Cabahug, umabot sa 49 ang mga exhibitor na sumali na nagtatampok ng mga produktong Bataeño mula ngayong Miyerkules, […]
%d bloggers like this: