Imbestigasyon ng DOLE sa iregularidad sa TUPAD program sa Palawan, gumugulong na

GUMUGULONG na ang imbestigasyon ng Department of Labor and Employment (DOLE) tungkol sa nakitang iregularidad patungkol sa implementasyon ng Tulong Panghanapbuhay sa Ating Displaced Workers o TUPAD sa mga benepisyaryong manggagawa nito sa Ikalawang Distrito ng lalawigan ng Palawan.

Sa virtual press conference na isinagawa ng DOLE, sinabi ni Director Maria Karina Perida-Trayvilla ng Bureau of Workers with Special Concerns na noong nakaraang linggo pa ay sinimulan na ang imbestigasyon ng DOLE- MIMAROPA Regional Office sa nakitang problema sa pamamahagi ng ayuda mula sa TUPAD sa mga manggagawa sa Palawan.

Nilinaw naman ni Trayvilla na hindi naman ganap na itinigil ang pamamahagi doon ng tulong sa ilalim ng TUPAD program, bagkus ay pansamantala lamang sinuspinde at tinugunan lamang ang administratibong aspeto ng sitwasyon.

Sinabi nito na patuloy pa din ang imbestigasyon at kanilang hinihintay na lamang ang report ng MIMAROPA office sa findings at validation ng mga reklamo ng mga benepisyaryo sa Palawan.

Una nang nakarating sa kaalaman ng DOLE ang reklamo ng mga manggagawa sa Ikalawang Distrito ng Palawan na sa halip na ibigay ang P3,200 na suweldo sa pagtatrabaho ng 10 araw, P1,200 na lang ang natanggap ng mga ito, na kahalintulad din sa nangyari sa mga manggagawa sa dalawang distrito sa Quezon City.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.