Clinical trials ng COVID-19 vaccine sa Pilipinas, posibleng simulan sa Disyembre

POSIBLENG sa susunod na buwan o unang bahagi ng Enero ng 2021 ay makapagsimula na ng clinical trial ng COVID-19 vaccines sa bansa.

Sa Laging Handa briefing, sinabi ni Dr. Jaime Montoya, ang Executive Director ng Phil. Council for Health Research and Development ng DOST na ang Sinovac at Clover Biopharmaceuticals ang pinakamaagang makakapag-clinical trial.

Pero sa kasalukuyan ay nakasalang pa sa Ethics Review Committee ang dalawang kumpanya.

Maliban sa Sinovac at Clover, kabilang sa mga kandidato para sa COVID-vaccine at nakasalang pa sa pagsusuri ng Philippine vaccine expert panel ang Janssen ng Amerika, Sputnik V ng Russia, at AstraZeneca ng US-Sweden.

Samantala, sinabi ni Montoya na target pa rin na sa ikalawang bahagi ng susunod na taon o mga buwan ng Hunyo o Hulyo posibleng maisagawa ang mass vaccination ng COVID-19 sa bansa.

Gayunman, umaasa si Montoya na mas maagang maging available ang bakuna kontra COVID-19.

Samantala, nabatid din kay Montoya na nagpapatuloy pa rin ang pag-aaral kung pupuwedeng magamit din ang virgin coconut oil, tawa-tawa at melatonin para makatulong sa mga pasyenteng may COVID-19.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.