Checkpoint, tinangkang takbuhan; dalawa, timbog sa shabu

Arestado ang dalawang construction worker na nakuhanan ng shabu makaraang pumalag at tangkaing takbuhan ang mga pulis na nagsasagawa ng checkpoint habang magkaangkas sa motorsiklo sa Valenzuela City kamakalawa ng gabi.

Kinilala ang mga naarestong suspek na si Melvin Evangelista, 29 anyos, at Lord Erwin Demillo, 25 anyos, kapwa ng Blk 3 Bldg 13 Disiplina Village, Brgy. Bignay.

Sa imbestigasyon ni PSSgt. Carlos Erasquin Jr., dakong alas 7:50 ng gabi, nagsasagawa ng checkpoint ang mga tauhan ng Valenzuela Police Sub-Station 7 sa Bignay sa kahabaan ng Gulod St. nang parahin nila ang mga suspek na magkaangkas sa isang motorsiklo.

Gayunman, hindi umano nakipagtulungan at pumalag saka tinangkang takasan ng mga suspek ang mga pulis subalit, kaagad naman silang napigilan at naaresto ni PSSgt. Gilbert Orellano at PSSgt. Richard Cruz.

Nang kapkapan, nakuha ni PSSgt. Cruz kay Evangelista ang isang peach Oppo smartphone na naglalaman ng isang plastic sachet ng hinihinalang shabu, cigarette box na naglalaman ng 7 plastic sachet ng hinihinalang shabu, P240 cash at ang motorsiklo habang narekober naman ni PSSgt. Orellano kay Demillo ang dalawang plastic sachets ng hinihinalang shabu at isang cellphone.

Nadiskubre din ng pulisya na walang driver’s license si Evangelista habang nagmamaneho ng motorsiklo at inisyuhan din sila ng Ordinance Violation Receipt dahil sa paglabag sa quarantine curfew.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.