INIUTOS na ni Philippine National Police (PNP) Chief Police General Dionardo Carlos ang pag-iinspeksyon sa cellphone ng mga pulis na naka-duty sa mga istasyon sa layong matiyak na walang nagsusugal o naglalaro ng online sabong sa gitna ng kanilang pagtatrabaho.
Mahigpit ang paalala ni Carlos sa mga miyembro ng PNP na iwasang malulong sa ano mang uri ng sugal.
Kasunod na rin ito ng ilang insidente na may mga pulis umano na nagsasabong habang naka-duty, habang ang iba naman ay nasasangkot sa krimen upang tustusan ang pagkagumon sa sugal.
Babala ng PNP Chief, mahaharap sa mabigat na parusa ang sino mang pulis na mahuling tumatalpak.
Naninindigan din si Carlos na walang maituturing na paglabag sa karapatan sa pagiging pribado ang gagawing inspeksyon ng PNP.
Mahalagang paraan ito ayon kay Carlos upang maproteksyunan ang mga pulis at nang hindi mabaon sa utang na sa huli ay mapipilitang gumawa ng krimen.

