Cardinal Tagle, itinalaga ni Pope Francis na pangunahan ang isang “beatification” ceremony sa Mayo 2022

ITINALAGA ni Pope Francis si Cardinal Luis Antonio Tagle, Prefect ng Congregation for Evangelization of Peoples na manguna sa beatification ceremony ni Venerable Pauline-Marie Jaricot.

Ayon kay Father Brian Lucas, National Director ng Catholic Mission, itinakda ang beatification sa May 22, 2022.

Kasabay ito ng pagdiriwang ng ika-200 anibersaryo ng pagkakatatag ng Society for the Propagation of the Faith na itinatag ni Pauline Jaricot noong 1822.

Sa pagtatalaga sa kanya na pangunahan ang nasabing seremonya, magiging kauna-unahang Filipino sa kasaysayan si Cardinal Tagle na mangunguna sa isang beatification ceremony.

Itinalaga ng Santo Papa si Cardinal Tagle sapagkat ito ang namumuno sa tanggapan ng Propaganda Fidei kung saan nasasakop ang Pontifical Society for the Propagation of the Faith ni Pauline Marie Jaricot.

Si Jaricot  ay ipinanganak sa Lyon, France noong Hulyo 22, 1799 at pumanaw noong Enero 9, 1862.

Enero 25,1963 naman ng idineklarang venerable sa pamamagitan ni Pope John XXIII habang Mayo 26, 2020 nang ipinag-utos ni Pope Francis ang pagproklama ng Decree para sa himalang iniugnay sa tulong ng santo.

Ang beatification process na pinangasiwaan ng Congregation for the Causes of Saints ng Vatican ang nagsagawa ng komprehensibong pag-aaral bago italagang “Blessed” ang isang santo.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.