Nagulantang ang mga residente na naninirahan malapit sa dalampasigan ng Balabac sa Palawan makaraang makita ang isang may kalakihang buwaya araw ng Miyerkules, Oktubre 14, 2020.
Nag-viral sa social media ang ilang larawan mula kay Charilaine Vargas Marcolino na kuha sa isang buwaya na biglang umahon at tumuntong sa isang malaking bato sa bahagi ng karagatang sakop ng Balabac.
Ayon kay Marcolino, sanay na rin aniya sila na may mga namamataang buwaya sa lugar.
May mga babala rin na ipinaskil ang mga awtoridad para maiwasan ang ano mang insidenteng maaaring maidulot ng buwaya kapag sila ay nagambala.
Ayon sa tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development na si Jovic Fabello, ‘basking’ o nagpapainit ng katawan ang buwaya na nakakatulong umano sa kanila para mas mabilis na makakilos sa ilalim ng dagat para makapanghuli ng pagkain at iba pang aktibidad ng hayop.
Ilang insidente na rin ng pag-atake ng buwaya sa mga tao ang naitala sa bayan, kaya isa sa tinututukan ay ang information education campaign.
Makatutulong din na maiwasan ang mga insidente ng pag-atake kung maidedeklarang crocodile sanctuary ang ibang lugar na may crocodile sightings.
Nitong Miyerkoles, nag-viral din sa social media ang isang 17.11 talampakan na buwaya na hinuli ng mga mangingisda sa Taytay beach ng munisipalidad ng Simunul sa Tawi-tawi.
Ayon sa ilang residente, maaari anilang naligaw lamang ito sa beach dahil walang buwayang nakatira sa lugar nila. (Photo courtesy: Charilaine Marcolino)