DUMATING na sa Pagasa Island sa Kalayaan, Palawan ang BRP Capones, isa sa apat na Parola-class na mga sasakyang pangdagat ng Philippine Coast Guard (PCG).
Ayon kay PCG spokesperson Commodore Armando Balilo, dala ng barko ang mga kailangang suplay at gamit sa pangingisda bukod sa iba pang pangangailangan ng mga residente sa isla.
Dala rin ng barko ng Coast Guard ang kailangang suplay ng mga tauhan nito at ng Philippine National Police (PNP) na nakatalaga sa Pagasa Island.
Kasama sa pagdating ng BRP Capones ang mga tauhan ng Coast Guard at PNP na kapalit para bigyang pagkakataon ang mga awtoridad na makapagpahinga.
Samantala, ipinabatid ni Coast Guard Captain Glen Daraug, Commanding Officer ng BRP Capones, na binantayan sila ng isang barko ng Chinese Coast Guard.
Habang patungo ng Pagasa Island mula Palawan ay namonitor nila ang isang barko ng Chinese Coast Guard na may layong 1 hanggang 2 nautical miles.
Wala namang nangyaring radio challenge sa pagitan nila ng dayuhang barko.