INIHAYAG ng Bureau of Customs (BoC) na kumuha ito ng karagdagang 200 Body Worn Camera (BWC) na ipapamahagi sa mga daungan sa buong bansa.
Ang hakbang ay bahagi ng kanilang pagsisikap na maging moderno at mapabuti pa ang kakayahan nito pagdating sa pagpapatupad ng batas adwana o “customs laws.”
Gagamitin ang mga BWC ng Enforcement and Security Service Personnel sa iba’t ibang mga aspeto ng pagpapatupad ng batas tulad ng container inspection at enforcement.
Ang naturang mga device ay maaaring mag-record ng video at boses pati na rin magsilbi bilang isang communication device sa pagitan ng gumagamit at ang monitoring facility.

Ang naitalang datos ay ililipat sa pamamagitan ng 17 docking stations at maaaring mamonitor ng malayuan ng Customs Operation Center (COC).
Ang paggamit ng ng BWC ay alinsunod sa Title II Chapter 3 ng RA 10863 o Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang isang Customs Memorandum Order (CMO) ay dapat ding ipalabas sa paggamit ng mga naturang aparato na may kaugnayan sa pagpapasiya ng kataas-taasang korte tungkol sa paggamit ng mga body camera na isinusuot sa pagsisilbi ng mga warrant.
Malugod na tinanggap ni BoC Commissioner Rey Leonardo Guerrero ang pagdaragdag ng mga naturang aparato.
Binigyang diin ni Guerrero na ang kawanihan ay patuloy na gumagalaw patungo sa isang mas modernisadong ahensiya ng pamahalaan na nagtataguyod ng transparency at kahusayan sa pagsunod nito sa mga mandato ng Trade Facilitation, Revenue Collection at Border Protection.

