Bikoy, nahatulan ng guilty sa kasong perjury

Share this information:

HINATULAN ng korte ng hanggang isang taong pagkabilango para sa salang perjury si Peter Joemel Advincula alyas “Bikoy” dahil sa pag-tag sa tatlong miyembro ng Free Legal Assistance Group (FLAG) sa umano’y planong pagpatay kay dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa 18-pahinang desisyon, natuklasan ng Manila Metropolitan Trial Court Branch 17 na “guilty beyond reasonable doubt of perjury” si Advincula.

Isa si Atty. Lorenzo “Erin” Tañada III sa mga complainant na nagpost ng bahagi ng desisyon sa Twitter na may caption na  “Bikoy Guilty!”

Si Advincula ay nasentensiyahan ng pagkakulong ng tatlong buwan at isang araw bilang pinakamababa at hanggang isang taon at isang araw bilang maximum na parusa.

Walang namang ipinataw na sibil na pananagutan ang korte.

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo na inihain ni Tañada, Jose Manuel “Chel” Diokno, at dating Supreme Court spokesperson Theodore Te matapos i-tag ni Advincula ang tatlo bilang miyembro ng “Project Sodoma,” na  umano’y anti-Duterte plot.

Iginiit ni Advincula na nagpulong ang mga abogado noong Marso 4, 2019 at Mayo 2, 2019 para iplano ang pagpapatalsik sa gobyerno.

Gayunpaman, pinatunayan nina Diokno at Tañada na hindi nila nakita si Advincula noong Marso 4 sa Leung Hall sa Ateneo kung saan sila dumalo sa isang forum bilang mga kandidato sa pagkasenador.

Sa kanyang panig, sinabi ni Te na nakilala lamang niya si Advincula noong Mayo 2 upang suriin siya bilang potensyal na kliyente ng FLAG at hindi dahil sa umano’y Project Sodoma.

Samantala, sinabi ng korte na nagawang matugunan ng prosekusyon ang kinakailangang “quantum of proof” na si Advincula ay gumawa ng sinasadyang kasinungalingan.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.