TUMUTULONG na ang Bureau of Immigration (BI) sa imbestigasyon kaugnay sa pagdukot sa isang bata kamakailan sa British School sa Taguig City.
Sa “Meet the Press Weekly Forum” ng National Press Club, sinabi ni Immigration Spokesperson Dana Sandoval na sa kasalukuyan ay wala pa silang impormasyon ngunit kanila nang inaalam ang mga grupo o personalidad na posibleng sangkot sa kaso.
Dagdag pa ni Sandoval, inaalam na rin ng BI kung may kinalaman sa Philippine Offshore Gaming Operation (POGO) ang pagdukot sa bata.
Bukod sa National Burea of Investigation (NBI) at Philippine National Police (PNP), nais ding malaman ng Immigration Bureau kung may dayuhan bang sangkot sa naturang insidente.
Sinabi ni Sandoval na malaki ang social cost sa Pilipinas ng nasa likod nito dahil pati bata ay nagawang dukutin.
Sa ngayon, tumanggi ang BI na sabihin kung saang aspeto sila magsasagawa ng imbestigasyon pero naglaan na sila ng mga tauhan para dito.
Tuloy din ang kanilang koordinasyon sa PNP, NBI at mismong pamilya ng bata at driver nito.

