NAPAPANAHON na upang tingnan ng gobyerno ang batas na nagbabawal sa pag-import ng “ukay-ukay” sa bansa, ayon kay Senator Sherwin Gatchalian sa Kapihan sa Manila Bay forum.
Si Gatchailan na siyang Ways and Means Committee Chairman nagsabing dapat isaalang-alang ng Kongreso kung ang batas na nagbabawal sa ukay-ukay ay “practical” pa.
“Titingnan natin ang batas ulit, titingnan natin kung yung batas practical pa ba, considering na buong Pilipinas may ukay-ukay,” wika ni Gatchalian.
Ayon pa sa senador, kung isasa-legal ang importasyon ng ukay-ukay o used clothes ay maaaring ang garments industry naman sa bansa ang maapektuhan.
Nag-ugat ang usapin matapos na imungkahi ni Senator Raffy Tulfo na ang “ukay-ukay” ay gawing legal sa halip na ito ay ipagbawal upang magkaroon ng kita ang pamahalaan sa pag-import nito.
Gayunpaman, sa ilalim ng Republic Act No. 4653, ipinagbabawal ang komersyal na pag-angkat ng mga gamit na damit at basahan upang matiyak ang kalusugan ng publiko at dignidad ng mamamayan.
Gayunman, sinabi ni Gatchalian na ang batas na nagbabawal sa pag-import ng ukay ukay ay kailangang amyendahan kung maglalagay ang gobyerno ng taripa sa mga nasabing item.
“We will have to amend the law,” Gatchalian said.
Dagdag pa niya, pag-aaralang mabuti kung ang dahilan ng pagbabawal ay legitimate pa din hanggang sa ngayon.
“It’s been there many years, sa aking nakita, ang mga retailer, for example yung mga nagbebenta ng ukay-ukay, may business permit sila, may resibo sila, wala silang problema. Ang nagiging problema yung mga importer. Dahil yung importer, sila yung di nagbabayad ng buwis,” sabi pa ni Gatchalian .
“At ang balita ko ngayon sa mga importer, dinedeclare nila for charity. Ibibigay sa mga orphanage, hospital, pero dina-divert at binebenta sa mga retailers. So yung mga retailers, legitimate sila, ang problema yung importers,” dagdag pa niya
“Iyon ang titingnan namin, upon the proposal of Senator Tulfo, at ire-revisit namin, matagal na yang batas na yan,” pahayag pa ng mambabatas.
Una na ring sinabi ng Department of Health na kapag ginawang legal ang ukay-ukay ay magkakaroon ng “standards” o pamantayan kung ito ay magiging safe sa populasyon at kung magiging off quality ang mga produktong ibibigay.
“Ang mga ukay-ukay business, these are used clothing coming from all parts of the world, so syempre ang risk pa rin niyan–especially dun sa mga sakit na lumalabas ngayon,” sabi ni DOH Officer-In-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire.
Ayon kay Vergeire, may peligro pa rin dahil ang ibang sakit ay nakukuha sa mga damit ng mga tao na apektado kaya nagkakaroon ng pagkakahawa-hawa gaya ng mga minor skin diseases.
“Pero this kind of move to legitimize this kind of business, we can prevent this kind of health risk to happen because now they will ensure that these products are safe to our people when they buy it,” ani Vergeire.