Basurang nahakot sa selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno, umabot sa 265 tonelada

MATAPOS ang ilang araw na pagdiriwang ng Pista ng Poong Itim na Nazareno, tumambad naman ang 265 metriko toneladang basura na nahakot ng pamahalaang lungsod ng Maynila na iniwan ng mga deboto sa Quiapo at Quirino Grandstand.

Katumbas ito ng 99 na trak ng basura na nahakot mula Enero 6 hanggang 9 ayon kay Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Mas mataas ito sa nahakot na basura noong 2021 na may 196 metriko tonelada o 57 trak ng basura at ng nakalipas na 2022 na may 89 metriko tonelada o 34 trak ng basura lamang.  Sa naturang dalawang taon, walang naganap na Traslacion at limitado lamang ang aktibidad ng Simbahan ng Quiapo dahil sa mataas ang banta ng COVID-19.

Mas marami ang collection natin compared to previous years due to the pandemic setup,” ayon kay Abante.

Mas mababa naman ang bilang ngayong taon kumpara ng pre-pandemic sa bansa noong 2020 na nakahakot ng 394 metriko toneladang basura.  Ito ang huling taon na nagkasa ang Simbahan ng Quiapo ng Traslacion.

Samantala, nagpapasalamat naman ang alkalde sa lahat ng mga deboto na nakiisa sa ilang araw na selebrasyon at sa mga organizer dahil naging mapayapa at maayos ang selebrasyon ng Pista ng Poong Itim na Nazareno 2023.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.