SINABI ng Korte Suprema na tuloy ang itinakdang orihinal na iskedyul para sa pagsasagawa ng 2022 Bar Examinations.
Ito ay makaraang magkaroon ng agam-agam ng pagsususpinde dahil sa naging pinsala ng bagyong Paeng sa iba’t-ibang bahagi ng bansa.
Ayon kay Supreme Court (SC) spokesperson Brian Hosaka, tuloy ang pagsunod nito sa inilabas na Bar Bulletin No. 6, S. 2022 ni Associate Justice Alfredo Bejamin Caguioa, na pagdaraos ng mga pagsusulit sa Nobyembre 9, 13, 16 at 20.
Ipagpapatuloy rin ng SC ang paggamit ng Examplify, isa umanong “secure” na “examination delivery program” na matagumpay nilang ginamit noong 2021.
“The examinees will use their own devices in their preferred venue, monitored by in-person proctors and closed-circuit television cameras in the exam rooms,” ayon sa SC.
Nasa 9,916 law graduates ang inaasahan na sasabak sa eksaminasyon na isasagawa sa 14 na local testing centers (LTCs) sa iba’t-ibang bahagi ng bansa sakaling matutuloy ang naturang pagsusulit.
Sinabi ni Hosaka na nasa 10,075 law graduates ang orihinal na nag-aplay at natanggap ngunit nasa 159 sa kanila ang iniatras ang aplikasyon.