Tumaas pa ang bilang ng kumpirmadong kaso sa Pilipinas makaraang makapagtala ngayong araw ng 1,590 na bagong kaso dahilan para umabot na sa kabuuang 531,699 ang mga kaso ng COVID-19 sa bansa.
Kumpara kahapon, halos dumoble naman ang bilang ng bagong gumaling sa sakit na nasa 249 kaya umabot na sa bilang na 487,927 ang total recoveries.
Nasa 55 naman ang nadagdag sa mga pumanaw kaya umakyat na sa 10,997 ang kabuuang namamatay.
Ginagamot naman sa mga ospital at quarantine facility ang nasa 32,775 na aktibong mga kaso.
Muling paalala ng Department of Health (DOH) na sa kabila ng papalapit na pagdating ng mga bakuna sa COVID-19 sa bansa, kinakailangan pa rin ang mahigpit na pagsunod sa minimum public health standards para labanan ang anumang variant o mutation ng COVID-19.
Samantala, siyam na duplicates naman ang inalis sa total case count kung saan 2 ang recovered cases.
Nasa 41 kaso naman ang nai-tag bilang recovered ang na-reclassify bilang deaths matapos ang final validation.
Sa ngayon, dalawang laboratory na lamang ang bigong makapagsumite ng kanilang data sa COVID-19 Data Repository System (CDRS) nitong Pebrero 3.