Ayuda sa extended ECQ 2.0, hindi na kakayanin – DBM

HINDI na umano kakayaning mapondohan ng gobyerno ang tulong pinansyal sa mga Pilipino sakaling palawigin pa ng isang linggo ang pinaiiral na ikalawang bugso ng enhanced community quarantine (ECQ) sa Metro Manila at apat na kalapit-lalawigan.

Ayon kay Budget Secretary Wendel Avisado, ang inaprubahang P22.9 billion assistance nuong Lunes ay maituturing na “one-time” assistance lamang sa mga manggagawa sa NCR Plus area—Metro Manila, Cavite, Laguna, Bulacan, at Rizal.

“One-time financial assistance lang po ito. Pagka ito ay tumagal pa, hindi na sasapat. Kaya hanggang doon lang po ang kaya nating gawin sa kasalukuyan,” dagdag ni Avisado.

Hindi pa nakapag-uusap ang Development Budget Coordination Committee, sa pangunguna ng Department of Budget and Management (DBM), patungkol sa posibilidad na magkaroon ng panibagong tranche ng tulong-pinansyal.

“Kaya po ‘di natin masasabi na kapag ito ay tumagal pa eh meron pa tayong ibibigay. Wala po kaming pinag-uusapan na ganyan. Ang atin ay one-time assistance ang kaya nating gawin sa ngayon,” ayon sa kalihim.

Maliban sa NCR Plus, sinabi ni Avisado na mayruon ding naitatalang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19 sa iba pang lugar sa bansa.

Nuong Lunes ng gabi, inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang assistance program para sa 22.9 milyong low-income individuals na nasa mga lugar na nasa ilalim ng ECQ sa NCR Plus. Ang bawat kuwalipikadong indibidwal ay makatatanggap ng P1,000 ayuda.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.