INALAAN ni Joint Task Force COVID Shield commander Police Lieutenant General Guillermo Eleazar si Atty. Larry Gadon na mahaharap ito sa pag-aresto kung patuloy na susuway sa pinaiiral na health at safety protocols ngayong may pandemya dulot ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Partikular na pinatutungkulan ni Eleazar ang pagmamatigas ni Gadon na huwag magsuot ng face mask at face shield habang nasa pampublikong lugar.
“Kapag ginawa niya ulit ‘yun sa lugar na may existing ordinance na dapat magsusuot ng face mask ay puwede siyang ma-accost. Sa mga ganoon kasi, ina-accost natin ‘yun, pinagsasabihan, ngayon kung may resistance o may disobedience, puwedeng pagbasehan ng pag-aresto at saka ‘yung may ordinance na existing,” ayon kay Eleazar.
Inatasan na rin ni Eleazar ang Manila Police District na imbestigahan na rin ang sinasabing paglabag ni Gadon.
Nuong Huwebes, walang facemask o face shield na nagtungo si Gadon sa Korte Suprema para ihain ang petisyon na nagpapawalang-bisa sa Republic Act 6639 o ang batas na nagpapalit ng pangalan ng Manila International Airport to Ninoy Aquino International Airport.
Sa hiwalay na pahayag, sinabi ni ni Philippine National Police spokesperson Police Brigadier General Bernard Banac na bilang isang alagad ng hukuman, dapat ay alam na ni Gadon na hindi naangkop na bastusin ang mga regulasyon para protektahan ang kalusugan ng publiko.
“The PNP will not have qualms in applying the law on anybody who makes similar willful violations,” ani Banac.
Nauna nang sinabi ni Gadon na kontra ito sa pahayag ng Department of Health na hindi nagagamot ang COVID-19.
“Hindi ako naniniwala sa DOH, ako nag-ikot ako sa mahigit 20 ospital, mga COVID centers, nagbibigay ako ng donation, hindi naman ako na-COVID…” ani Gadon.
“Sobrang pananakot ang ginawa sa atin ng DOH. Tumigil ang ekonomiya natin dahil sa pananakot na ‘yan,” dagdag nito.