Arranque Market, sarado pa din, 39 nagpositibo sa COVID- 19

Share this information:

NANANATILING sarado ang buong palengke ng Arranque Market sa Sta. Cruz, Maynila.

Ipinag-utos ni Manila Mayor  Francisco “Isko Moreno”  Domagoso  ang pagsasara sa naturang pamilihan dahil sa maraming vendor sa meat section ang nagpositibo sa COVID-19.

Sinabi naman ni Manila Disaster Risk Reduction and Management Office Director Arnel Angeles, isinara ang pamilihan noong Lunes dahil kinailangan nilang magsagawa ng disinfection sa pamilihan.

Regular na rin ang pagsasagawa ng misting at fogging sa palengke upang matiyak na ligtas na ito sa virus sa oras na muling buksan sa darating na Linggo, March 7.

Lahat ng entrada papasok at palabas sa palengke ay nakakandado, lalo na ang daanan sa Alonzo St., Soler Street at Recto.

Nilinaw naman ni Angeles na ang puwesto kung saan may mga itinitindang hayop ay hindi kasama sa pagpa-fogging.

Samantala, sa impormasyon mula kay Julius Leonen, ang pinuno ng Manila PIO, 39 ang positibong kaso ng COVID-19 sa Arranque Public Market, 23 sa bilang na ito ay mula sa Maynila habang ang 16 ay galing naman sa iba’t ibang lokalidad.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.