Anim na rehiyon sa bansa, nakitaan ng UK COVID-19 variant – DOH

Share this information:

Iniulat ng Department of Health (DOH) na nasa anim na rehiyon na sa bansa ang nakitaan ng UK variant ng COVID-19.

Ayon sa DOH, ang mga sample na nakitang positibo sa umano’y mas nakahahawang UK variant ay mula sa Cordillera Administrative Region (CAR), National Capital Region (NCR), Calabarzon (Cavite, Laguna, Batangas, Rizal, Quezon), Central Visayas, Northern Mindanao, at Davao Region.

Paglilinaw naman ni DOH Secretary Francisco Duque III, kulang pa ito para makumpirmang may community transmission na ng UK variant sa bansa.

“Walang malinaw na puwedeng sabihin o conclusion kung ano ba talaga ang epekto ng variants na ito sa pangkalahatang kaso ng COVID-19,” ani Duque.

Hindi pa rin aniya maaaring lubusang maiugnay sa variant ang pagtaas ng COVID-19 cases sa ilang lungsod sa NCR.

Aniya, patuloy ang pagsusuri ng Philippine Genome Center (PGC) at Research Institute for Tropical Medicine (RITM) dito.

Matatandaang noong Linggo ay 18 bagong kaso ng UK variant ang naitala ng DOH sa Pilipinas.

Sa mga bagong kaso, 13 ang returning overseas Filipino na dumating mula Enero 3 hanggang 27.

Bukod dito, mayroon ring tatlong kaso na nakumpirmang may mutation na N501Y at E484K, na pawang mga taga-Central Visayas.

Tiniyak naman ni DOH spokesperson Maria Rosario Vergeire na naabisuhan na nila ang mga opisyal sa lokal na pamahalaan na maging mas mahigpit sa pagpapatupad ng health protocols, kabilang ang pagsasagawa ng localized lockdowns.

Paglilinaw pa niya, ang mga naturang mutation na natukoy sa Visayas ay natukoy na rin sa variants sa ibang bansa, gaya ng UK variant, South African at Brazilian.

Aniya pa, hindi lahat ng mutation nito ay mapanganib. 

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.

Next Post

WHO patuloy pang pinag-aaralan ang efficacy ng COVID-19 vaccine ng Sinovac

Tue Feb 23 , 2021
HINDI pa makakapagkomento ang World Health Organization (WHO) patungkol sa efficacy o bisa ng COVID-19 vaccine ng Chinese firm na Sinovac dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang ebalwasyon o pag-aaral hinggil dito. Ito ang ipinahayag ni WHO country representative Dr. Rabindra Abeyasinghe kasunod ng pag-apruba ng Food and Drug Administration […]

Follow Us

%d bloggers like this: