WHO, pinag-aaralan pa ang efficacy ng COVID-19 vaccine ng Sinovac

HINDI pa makakapag-komento ang World Health Organization (WHO) patungkol sa efficacy o bisa ng COVID-19 vaccine na CoronaVac ng Chinese biopharmaceutical firm na Sinovac dahil nagpapatuloy pa rin ang kanilang ebalwasyon o pag-aaral hinggil dito. 

Ito ang ipinahayag ni WHO Country Representative Dr. Rabindra Abeyasinghe kasunod ng pag-apruba ng Food and Drug Administration (FDA) ng emergency use authorization (EUA) ng Sinovac vaccine bagamat hindi ito inirerekomendang ipaturok sa mga health worker. 

Ayon kay Abeyasinghe, hindi nito alam ang lahat ng impormasyon na ibinahagi ng Sinovac sa kanilang regulations team na nagsasagawa na ng ebalwasyon kaya’t hindi pa niya masasabi ang efficacy rate nito. 

Gayunman, maaaring may ilang impormasyon din aniya na ibinahagi ang Sinovac sa FDA ng Pilipnas kaya’t nagdesisyon din ito na limitahan ang paggamit ng bakuna sa mga edad disi-otso hanggang limampu’t siyam. 

Kasabay nito, ipinahayag ni Abeyasinghe na ang COVID-19 vaccines na mayroong mataas na efficacy para protektahan ang mga tinatawag na high-risk groups ay mas mainam na ikonsidera. 

Maliban sa Sinovac, sinabi nito na maging ang Sinopharm vaccine ng China ay isinasailalim din sa ebalwasyon ng WHO.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.