Isasailalim sa apat na araw na lockdown ang anim na barangay sa Maynila matapos makapagtala ng higit sampung kaso ng COVID-19 sa kanilang nasasakupan.
Sa bisa ng Executive Order No. 7, ipapatupad ang enhanced community quarantine guidelines sa Brgy. 185, 374, 521, 628, 675 at 847.
Magsisimula ang lockdown alas 12 ng hatinggabi ng Marso 17 hanggang Marso 20.
Magugunitang 3 barangay na ang naunang isinailalim sa lockdown noong nakaraang linggo at nagbanta pa si Manila Mayor Francisco Domagoso na posibleng i-shut down niya ang buong lungsod ng Maynila kung patuloy ang pagtaas ng mga kaso ng COVID-19.
Inatasan din si Manila Police District Chief BGen. Leo Francisco na magpadala ang tropa ng pulisya na magbabantay sa mga barangay na isasailalim sa lockdown.
Sa kasalukuyan ay nasa 1,549 ang aktibong kaso ng COVID-19 sa lungsod.