Angkas, pinayagan nang pumasada ulit

Share this information:

PUPUWEDE nang mamasadang muli ang mga rider ng motorcycle taxi na Angkas makaraang mabigyan sila ng Provisional Authority to Operate.

Ayon sa Department of Transportation (DOTr), nagdesisyon ang Motorcycle Taxi Technical Working Group (MC Taxi TWG) na bigyan ng pansamantalang permiso ang Angkas ngunit kailangan munang makasunod ito sa operational requirements na itinakda ng National Task Force (NTF) at MC Taxi TWG.

Kabilang sa mga requirement ay ang probisyon para sa insurance ng rider at pasahero sakaling magkaroon ng aksidente gayundin ang mandatory na paggamit ng thermal scanner upang matukoy kung may lagnat ang sasakay.

Tatagal ang bisa ng provisional authority hanggang Disyembre 9, 2020 at sa sandaling makumpleto na ng Angkas ang requirements ay bibigyan na sila ng Certificate of Compliance o CoC.

Paglilinaw naman ni DOTr spokesperson Goddes Hope Libiran, ang ibinigay na permiso sa Angkas ay extension lamang ng pilot study kung epektibong gawing alternatibong public transport ang motorcycle taxi.

“Sa mga nagtatanong naman kung magdadagdag pa ba ng players, allow us to clarify that this is just an extension of the previous pilot study, so basically, same scope, same coverage, same number of units and same players. Ang nadagdag lang po eh ‘yung stricter health and safety protocols as set by the NTF,” ani Libiran.

Samantala, nabatid din mula kay Libiran na inaprubahan na rin ng NTF ang barrier design na isinumite ng ride hailing app na JoyRide.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.