Anak ni Bayan Muna Rep. Cullamat, patay sa engkuwentro sa Surigao

Share this information:

NAPATAY ang anak na babae ni Bayan Muna partylist Rep. Eufemia Cullamat sa sumiklab na sagupaan sa pagitan ng militar at hinihinalang mga miyembro ng New People’s Army (NPA) sa bayan ng Marihatag, Surigao Del Sur.

Natukoy ang pagkakakilanlan ng nasawing umano’y rebelde na si Jevilyn Campos Cullamat, 22 taong gulang.

Ayon kay AFP Spokesman Major General Edgard Arevalo, nakasagupa ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army ang nasa tatlumpung miyembro ng NPA na pinamumunuan ni Ka Coby o Marion Himo Jr. sa Barangay San Isidro.

Tumagal ng halos 45 minuto ang sagupaan na nagresulta sa pagkakasawi ni Cullamat na nagsisilbing medic ng Sandatahang Yunit Pampropaganda (SYP) Platoon of Guerilla Front 19, Northeastern Regional Committee (NEMRC).

Narekober sa pinangyarihan ng engkuwentro ang tatlong AK-47 rifles, isang M14 rifle, isang M653 5.56 caliber rifle at mga subersibong dokumento.

Photo: 3rd Infantry Special Forces Battalion, Philippine Army

Samantala, nagpahayag na ng pakikiramay si AFP 401st Infantry Brigade commander Brigadier General Allan Hambala sa pamilya ni Rep. Cullamat.

Nanawagan din ito ng pagkakaisa sa lahat ng mga katutubo na kondenahin ang paggamit sa kanila ng NPA at tapusin na ang armadong pakikibaka.

Sa isang pahayag, sinabi ni Cullamat na hindi na siya nagtataka kung sumapi sa NPA ang kanyang anak.

“Di ako nagtataka kung sumapi sa NPA ang aking anak dahil sa patuloy na nararanasan naming mga katutubo sa mga pagmamalupit at pang-aabuso ng AFP at ng kanilang mga paramilitary groups. Naranasan mismo ito ng aming pamilya,” ayon sa pahayag ni Cullamat.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.