AFP, ayaw na ng ceasefire sa CPP-NPA

Share this information:

HINDING-HINDI na irerekomenda ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kay Pangulong Rodrigo Duterte ang pagpapatupad ng tigil-putukan sa Communist Party of the Philippines at New People’s Army.

Ipinahayag ni AFP spokesperson Major General Edgard Arevalo na kahit pa matapos ang holiday season ay hindi na rin imumungkahi ng militar ang ceasfire.

“Nagsalita na ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas, partikular is ating Chief of Staff, General Gilbert Gapay, na hindi natin imumungkahi sa ating Pangulo na magkaroon ng holiday ceasefire,” pahayag ni Arevalo.

“‘Yung ceasefire, talagang hindi na natin ‘yan irerekomenda even beyond or outside of the holiday season,” dagdag nito.

Binigyang-diin ni Arevalo ang kawalan ng sinseridad ng komunistang grupo na nagpapatuloy pa rin ang mga pag-atake at extortion activities sa gitna ng tigil-putukan.

“Sa nagdaang pagkakataon, hindi naging sinsero o tapat itong teroristang grupong ito, and every time bina-violate nila ang sariling ceasefire na kanilang dinedeklara,” diin ng heneral.

Kahit aniya ang mga sundalo na hindi naman nagsasagawa ng combat operations kundi nasa humanitarian mission ay inaatake pa rin ng mga rebelde.

“Tuloy ang extortion activities nila. Hindi sila humihinto and at the same time, ‘yung kanilang mga krimen na ginagawa, panununog, pangingikil, at iba pang krimen kagaya ng pagpatay ay patuloy nilang ginagawa sa kabila ng umiiral na unilateral ceasefire,” giit ni Arevalo.

Nabatid naman kay Arevalo na wala pang desisyon si Pangulong Rodrigo Duterte kaugnay ng kanilang rekomendasyon.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.