NABUWAG ng Philippine National Police (PNP) ang itinuturing na backbone o gulugod ng distribusyon ng ilegal na droga sa Metro Manila at Mindanao.
Ito ay makaraang masakote ang dalawang pangunahing suspek sa drug trafficking na natukoy na sina Marlon Bayan ng Barangay Man-Ogob sa San Vicente, Camarines Norte at Guimalodin Ebrahim ng Talitay, Maguindanao.
Nadakip sa drug buy-bust operation sa isang mall sa Parañaque City sina Bayan at Ebrahim.
Nakumpiska mula sa mga suspek ang tinatayang 8-kilo ng high-grade shabu na may tinatayang P54.4 milyon ang street value.
Ayon sa PNP, ang dalawa ay kilalang regular na naghahatid ng shabu mula sa Maynila patungong Mindanao.
Bahagi rin umano sila ng isang malaking grupo ng drug traffickers na pawang mga taga-Mindanao pero naka-base sa Southern Metro Manila.