Nagbitiw na bilang Chairman Emeritus at Director ng ABS-CBN Corporation na si Eugenio “Gabby” Lopez III dahil umano sa mga personal na kadahilanan.
Ito ang inanunsyo ng kumpanya sa kanilang social media account.
Ayon sa Corporate Communications ng ABS-CBN, nagbitiw din si Lopez bilang Director ng ABS-CBN Holdings Corporation, Sky Vision Corporation, Sky Cable Corporation, First Philippine Holdings Corporation, First Gen Corporation at Rockwell Land Corporation.
Tinanggap naman umano ng Board of Directors ang pagbibitiw ni Lopez.
Sa kabila nito ay inihalal bilang kapalit ni Lopez si Mario Luza Bautista bilang bagong Chairman at Director ng korporasyon.
Si Bautista ay 66-taong gulang at nagsilbing pangunahing abogado ng kumpanya at kasapi ng Board of Advisors ng ABS-CBN simula taong 2011.