NAGSIMULA na ng pag-uusap ang Bureau of Corrections (BuCor) at Integrated Bar of the Philippines (IBP) para ipatupad ang Unified Legal Aid Service (ULAS) at makakuha ng pantay na karapatan sa hustisya ang Persons Deprived of Liberty (PDLs).
Ayon kay Bucor Director General Gregorio Pio Catapang Jr. na nagkaroon ng preliminary talks sa pagitan nila ni IBP National President, Atty. Allan Panolong, nang siya ang maging panauhing pandangal at tagapagsalita sa katatapos na aktibidad sa punong-tanggapan ng Bucor.
Aniya, malapit na ang paglagda ng isang memorandum of agreement ng BuCor at IBP para sa ULAS, sa layuning ma-asistehan ang PDLs na nangangailangan ng legal aid para sa paglaya.
Sa mandato ng ULAS, ang mga abogado ay kailangan magbigay ng di bababa sa 60 hours ng pro bono legal services sa indigent clients sa bawat tatlong taon .
Sa talumpati ni Panolong, binigyan niya ng mataas na pagkilala at pagpupugay ang pamumuno ni Catapang na bukod sa pinalalakas ang isang institusyon, hindi lamang bilang tagapagpatupad ng batas, kundi bilang tagapagbantay ng dignidad ng bawat PDL.
Kabilang sa binanggit ni Panolong ang repormasyon at reintegrasyon, decongestion at upang mapabilis ang paglutas ng kaso kundi pati na rin tulungan ang mga PDL na karapat-dapat palayain.
“Ang IBP ay may konkretong paninindigan na ang batas ay dapat na naabot ng lahat lalo na ang mga walang kakayahang kumuha ng pribadong abogado,” ani Panolong.

