Ipapawalang-bisa na sa Oktubre 15 ang Stay Sober Ordinance na nagbabawal sa pagbebenta, pagbili at pag-inom ng alak sa Lungsod ng Valenzuela.
Gayunpaman, tiyak na maninibago ang maraming lasenggo dahil mahigpit namang ipinagbabawal ang pagtagay o paghihiraman ng baso sa kapalit na ipatutupad na Liquor Regulation During Pandemic Ordinance.
Nakasaad sa ordinansa, kung iinom ng alak ay dapat na siguruhing nasusunod ang health and safety protocols na ipinatutupad sa lungsod.
Bawal rin ang pagbebenta ng alak tuwing curfew hours ng lungsod na tumatagal mula alas 10 ng gabi hanggang 5 am.
Hindi rin dapat bentahan ng alak ang mga menor-de-edad at buntis.
Bawal pa rin ang pagtoma sa mga pampublikong lugar at pwede lamang uminom ng alak sa mga tahanan o mga pribado/komersyal na establisyemento gaya ng mga restaurants.
Ang mga senglot o kahit nakainom lang ay hindi rin dapat na lumaboy sa kalye.
Ayon pa sa ordinansa, hanggang sa apat na bote ng serbesa ang maaring ibenta sa isang indibidwal sa mga restaurant at retail store kada araw, at hanggang isang bote lang ng hard drinks gaya ng brandy at whiskey ang pwedeng ibenta kada tao bawat araw, at ganoon din ang panuntunan sa wine.
Sampung case naman ng serbesa ang pwedeng ibenta sa mga wholesaler, grocery store at dealer, at dalawang kahon naman kapag hard drinks.
Hindi rin pwedeng paghalu-haluin ang iinumin dahil isang klase lamang ng nakalalasing na inumin ang maaaring ibenta sa isang indibidwal kada araw.
Maging ang videoke at acoustic live bands sa mga restobars at katulad na establisyemento ay ibinawal na rin.
Ang mga lalabag sa ordinansa ay papatawan ng karampatang parusa at maaaring matanggalan ng business permit ang mga lalabag na establisyemento.

