HINARANG ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang ina sa NAIA Terminal 1 matapos umanong ipagbili ang sariling anak sa isang Chinese national bilang isang “mail-order bride.”
Kinilala ang mga pasahero sa alyas na Annie, 42 taong gulang, at ang anak niyang si Mia. Nangyari ang pagdakip dalawang araw matapos ang pagdiriwang ng Mother’s Day.
Ayon sa Immigration Protection and Border Enforcement Section ng BI, sasakay sana ng Philippine Airlines ang mag-ina papuntang China noong Mayo 13.
Sa isinagawang secondary inspection, napag-alaman ng mga awtoridad na peke ang marriage certificate na iniharap ni Mia.
Inamin din ng dalaga na hindi niya alam na ikakasal siya at mismong ang ina ang nag-ayos ng kasal kapalit ng limang libong piso.
Ayon kay BI Commissioner Joel Anthony Viado, malinaw na kaso ito ng human trafficking sa anyo ng pekeng kasalan.
Dagdag pa ng opisyal, patuloy ang kanilang pagtutulungan at pakikipag-ugnayan sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) upang mapanagot ang mga nasa likod ng ganitong uri ng eksploytasyon.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng IACAT ang mag-ina para sa karagdagang imbestigasyon at kaukulang tulong.

