Grand “Oplan Baklas” ikinasa ng Comelec at MMDA

SA pagsisimula ng lokal na kampanya para sa 2025 national at local elections ay magkasama ang Commission on Elections (Comelec) at Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa isinagawang grand “Oplan Baklas” operations  sa Nicolas Zamora Street sa Tondo, Maynila.

Pinangunahan nina Comelec Chairman Atty. George Erwin Garcia at MMDA Chairman Atty. Don Artes ang pagtatanggal ng hindi awtorisadong campaign paraphernalia sa pampublikong lugar alinsunod sa Republic Act No. 3571 at Comelec Resolution No. 11111, na nagbabawal sa paglalagay ng campaign materials sa mga puno at poste ng kuryente.

Sinabi ni Garcia, magpapadala ang Comelec ng mga liham sa mga kandidato na may “orders to remove” para simulan na nila ang pagtanggal ng mga poster sa mga ipinagbabawal na lugar.

Kung hindi maalis ang mga campaign poster sa loob ng tatlong araw, maglalabas ang Comelec ng show-cause order.

“We are advising all candidates to post campaign materials only on common designated areas to avoid removal and possible disqualification cases,” ani Garcia.

“We deployed more than 500 MMDA personnel to the 17 local government units of Metro Manila to take down those illegal campaign materials,” ayon naman kay Artes.

Karamihan sa mga tinanggal ay mga tarpaulin, poster, at iba pang mga election paraphernalia na nakasabit sa matataas na poste, puno, poste ng kuryente, tulay, pedestrian footbridge, kawad ng kuryente, at iba pang lugar na hindi nakatalaga.

Hinihikayat rin ng Comelec ang publiko na iulat ang anumang mga bawal na pag-post sa pulitika sa malapit na tanggapan ng COMELEC, sa website ng COMELEC, o sa mga social media platform nito.

Ang panahon ng lokal na kampanya para sa halalan 2025 ay magsisimula ngayon, at tatagal hanggang Mayo 10. Ang midterm na halalan ay nakatakda sa Mayo 12, 2025.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.