Turismo sa ilang lugar sa Negros Occidental, apektado na ng pagputok ng Mt. Kanlaon

KASUNOD ng pagputok ng bulkang Kanlaon noong Disyembre 9, naapektuhan na din pati ang turismo sa ilang munisipalidad malapit sa nasabing bulkan.

Ayon sa Department of Tourism (DOT), nakatanggap ang kanilang Regional Offices ng ulat mula sa tourism stakeholders na apektado at nakakaranas na ng matinding ashfall.

Kabilang rito ang mga bayan sa Negros Occidental tulad ng La Castellana, La Carlota City, Bago City, at Murcia. Sa Negros Oriental, kasama na pati ang Canlaon City.

Bilang precautionary measure, ang mga sumusunod na tourist activity sa mga apektadong lugar ay sinuspinde na, gaya ng trekking, swimming, farm site visit, at day tour. 

Kabilang sa mga atraksyong tiyak na pansamantalang sarado ay ang  Guintubdan Spring, Buenos Aires Resort, Mambukal Resort, Sugar Valley Coffee Farm, at iba pang mga lugar na malapit o nasa  6-kilometer permanent danger zone. 

Bukod dito, Kanlaon Inland Resort and Eco-Tourism, Padudusan Falls, Bao-bao Viewing Deck, at Quipot Falls sa Canlaon City ay isinara ng lokal na pamahalaan upang masiguro ang kaligtasan ng publiko.

Bagama’t walang mga iniulat na nasaktan, nasawi o stranded na turista, mahigpit na pinapayuhan ang mga manlalakbay na iwasan muna ang nasabing destinasyon sa 6-kilometer permanent danger zone at mga lugar na apektado ng ashfall.

Hinikayat din ang mga turista na manatiling maingat at laging updated sa pagsubaybay sa mga abiso mula sa lokal na pamahalaan, disaster response authorities, at mga DOT Regional Office.

Prayoridad ng DOT ang kaligtasan ng lahat ng turista at lokal na komunidad at hinihikayat ang lahat na manatiling mapagbantay at maging maalam sa panahong ito.

Para sa tourist information at assistance, maaring tumawag sa DOT sa pamamagitan ng sumusunod na mga channel.

• Hotline: 151-TOUR (8687)

• Mobile: 0954-253-3215

• Facebook: Department of Tourism – Philippines

• Email: [email protected]

• Click2Call and Live Webchat: beta.tourism.gov.ph

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.