ISANG estudyante ang naging viral matapos magpakumbaba, lumuhod, at magmakaawa sa isang traffic enforcer ng Land Transportation Office (LTO) nang mahuli siya sa pagmamaneho ng motorsiklo nang walang lisensya sa probinsya ng Aklan.
Ang insidente ay nagdulot ng simpatya mula sa mga netizens, na naging tulay upang matulungan ang estudyante.

Ayon kay LTO Aklan Head Engr. Marlon Velez, ang kanilang opisina ay nagbigay ng tulong sa naturang estudyante upang makakuha ng student permit. Sumailalim siya sa isang libreng theoretical driving course seminar at nabigyan din ng libreng medical certificate.
“Ngayon, nakilala ko ang estudyanteng naging viral sa social media isang linggo na ang nakalipas. Nahuli siya sa pagmamaneho nang walang lisensya, at sa sobrang takot at awa, lumuhod at nagmakaawa siya sa enforcer. Ang insidente ay umantig sa maraming netizens. Sa tulong ng aming opisina, nabigyan siya ng pagkakataon na kumuha ng student permit matapos ang libreng seminar at medical certificate,” ani Velez.

Hindi dito natapos ang tulong sa estudyante. Ayon pa kay Velez, nagkaisa ang ilang indibidwal at organisasyon upang ma-renew ang rehistro ng motorsiklo ng estudyante. Nabigyan din siya ng bagong helmet mula sa mga insurance companies, media personalities, at vloggers sa Aklan na boluntaryong tumulong.
“Umaasa kami na magiging mas disiplinadong driver ang estudyante matapos ang kanyang karanasan,” dagdag ni Velez.
Sa pagtatapos ng kanyang pahayag, pinaalalahanan ni Velez ang estudyante na sumunod sa batas trapiko. Nagbigay din siya ng mahigpit na babala na siya mismo ang magbibigay ng traffic violation ticket kung maulit ang paglabag nito.

“Wala nang dahilan para lumabag siya sa batas trapiko. Binigyan ko siya ng babala na ako mismo ang magtitiket sa kanya kung muling mangyari ito,” ani Velez.
Ang istoryang ito ay hindi lamang patungkol sa pagtulong, kundi isang paalala sa lahat ng motorista na maging responsable at sumunod sa mga alituntunin ng trapiko para sa kaligtasan ng lahat.


