MAGSISIMULA nang mamahagi ng Christmas boxes sa unang araw ng Disyembre 2024 ang pamahalaang lungsod ng Maynila para sa Noche Buena ng mamamayang Manilenyo.
Ito ang inanunsyo ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa ginanap na Christmas Tree and Decorations lighting nitong Biyernes ng gabi sa Kartilya ng Katipunan kasabay din ng paglulunsad ng pinakamahabang Christmas stamps sa mundo ng Philippine Postal Corporation o PHLPost.
Ayon sa alkalde, labing-dalawang araw ang pamamahagi ng Noche Buena Christmas boxes sa bawat pamilya habang sa Disyembre 13 at 14 naman ay 176 libong Christmas boxes din para sa mga senior citizens ang ipapamahagi.
Para naman sa paghahanda sa kapaskuhan, sinabi ni Lacuna na nakipagpulong na ang kanyang tanggapan sa Manila Police District (MPD) para mapaghandaan ang pagdagsa ng mga mamimili lalo na sa Divisoria, Quiapo, Recto at Blumentrit upang mapanatiling maayos at ligtas ang lungsod .
Sa nasabing Christmas Tree lighting, inanyayahan din ni Lacuna ang publiko na mamasyal sa Maynila lalo na sa Kartilya upang maramdaman ang kasiyahan ng kapaskuhan sa kapitolyo ng lungsod ng Maynila.
Aniya nawa’y maipagdiwang ang tunay na kahalagahan at ibig sabihin ng kapaskuhan sa pagbibigay ng papuri sa Maykapal.
Idinagdag pa ng alkalde na sana ang bawat isang Manilenyo ay matagumpay at masagana sa pagdiriwang ng kapaskuhan at pasalubong sa bagong taon.

