MAHAHARAP sa kasong kriminal at administratibo ng Commission on Elections (Comelec) ang mga barangay chairman na matutuklasang sangkot sa “bagong modus o scheme” sa pamamagitan ng pagbibigay ng Barangay Certificates (BoC).
Ito ang ibinabala ni Comelec Commissioner Atty. George Erwin Garcia sa pulong balitaan kaugnay sa updates nito sa paghahanda sa 2025 National at Local elections na nakakapagtaka ang biglaang pagtaas ng bilang ng bagong botante sa ilang barangay.
Ayon kay Garcia naitala ang hindi karaniwang pagtaas ng bilang ng botante sa ilang lugar sa bansa partikular sa Makati at Cagayan de Oro .
Nang siyasatin ng Comelec, natuklasan na ang isa sa Barangay chairman ay tatakbo pala sa Kongreso .
Iginiit ni Garcia, dapat ngayon pa lamang ay mapigilan na ang nasabing modus dahil kung magtutuloy-tuloy pa ito ay mangyayari pa sa susunod na halalan.
Sa Special Task Force Investigation reports ng Comelec, ipinakita na 4,308 botante ang nag-apply ng transfer mula EMBO barangay sa unang distrito ng Makati kung saan 3,596 ang gumamit ng barangay certification bilang katibayan sa identification at residence.
Nasa 14,954 ang inilipat sa ikalawang distrito na nasa 13,918 na gumamit ng barangay certificates.
Ang kabuuang bilang ng registered voters sa Barangay Carmen sa Cagayan de Oro ay pumalo sa 56,837 noong Nobyembre 2024 mula sa 32,218 noong Oktubre 2023 na isinasalin sa 44.4% na pagtaas sa mga botante.
Sa nasabing bilang, may kabuuang 8,218 o 37.60% ng mga aplikante ang nagparehistro gamit ang barangay certificates.
Sinabi ni Garcia na maglalabas ng subpoena ang Law Department laban sa opisyal ng barangay mula sa dalawang lungsod.
Kapag napatunyang nagkasala, sususpindihin ng Department of Interior ang Local Government (DILG) ang mga tiwaling opisyal o tatangalin sa kanilang puwesto.