Alegasyon ng pagtanggap ng suhol ng isang opisyal ng NBI, iniimbestigahan na

SINABI ng National Bureau of Investigation (NBI) na nagsagawa na ito ng “informal investigation” laban sa isang opisyal ng NBI na di-umano ay nagkaroon na ng suholan sa kaso ng ngayon ay hinahanap pang lider ng Kingdom of Jesus Christ (KOJC) na si Apollo Quiboloy.

Sinabi ni NBI Director Jaime Santiago na hindi pa pormal ang imbestigasyon at pinagkakatiwalaan pa rin niya ang kanyang regional director na si NBI Region II Director Archie Albao sa gitna ng alegasyon na siya umano ay tumanggap ng suhol.

.Noong nakaraang linggo, nagsilbi na ng warrant ang NBI-Region II laban Kay Quiboloy sa KOJC sa Davao City. Kasunod nito ay nanawagan ng imbestigasyon ang dating miyembro ng KOJC na si Arelene Stone laban kay Albao dahil sa panunuhol.

Sinabi ni Stone sa isang video na siya ang nagbigay ng suhol ngunit hindi siya sigurado kung natuloy ito pagkatapos niyang umalis sa KOJC.

Sinabi ni Santiago na si Albao ay walang koneksyon sa dating Pangulong Rodrigo Duterte dahil itinalaga ito ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. noong Oktubre 2022.

“Ngayon during the time ng appointment niya, Pastor Quiboloy is known na tumutulong. Mabait na tao. Wala naman siyang kaso noon, during those days. So ano ba ang masama na yung pastor ay tumutulong  doon sa government agencies, giving them financial, whatever support, yung sinasabi ni Stone na siya pa ang nag-aabot,” paliwanag ni Santiago.

Noong Nobyembre 2021, kinasuhan ng US prosecutors si Quiboloy at iba pa dahil sa umano’y pagpapatakbo ng sex trafficking operation, na sinasabing nananakot sa mga biktima na 12 taong gulang pa lamang ng “eternal damnation” at pisikal na pang-aabuso.

Pebrero 2022 naman ng ilabas ang wanted posters ni Quiboloy ng Federal Bureau of Investigation (FBI). Isinampa naman ang kaso laban Kay Quiboloy sa Pilipinas noong Marso 2024.

Samantala, kasong paglabag sa Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act ang isinampa laban Kay Quiboloy sa Davao court.

Binigyang-diin ni Santiago na ang nangyari noong Agosto 9 ay hindi pagsalakay ngunit pagsisilbi ng warrant. Inatasan din ni Santiago si Albao na kumbinsihin si Quiboloy na sumuko ng mapayapa.

Leave a Reply

This site uses Akismet to reduce spam. Learn how your comment data is processed.